MANILA, Philippines (Eagle News) — Parusang bitay ang maaaring ihain sa mga suspek sa pagpatay sa Overseas Filipino Worker (OFW) na si Joanna Demafelis sakaling mahatulang guilty sa ilalim ng Kuwaiti law.
Ito ang sinabi ni Philippine Ambassador to Kuwait na si Renato Villa, aniya, nakatanggap sila ng kumpirmasyon na naaresto na sa magkahiwalay na pagtugis ang nasabing mag-asawa.
Una nang inakusahan ang mag-asawang Lebanese at Syrian national na employer ni Joanna Demafelis na sila ang pumatay at naglagay sa katawan ni Joanna sa loob ng freezer noon pang 2016 bago abandonahin ang tinuluyang apartment.
Ayon kay Villa, natanggap nya ang ulat na naaresto ang lalaking suspek na si Nader Essam Assad batay sa security official at sinabi nito na ang impormasyon ay mula sa Lebanon Interpol.
Pero ang ulat ukol sa pagkaka-aresto sa asawa nito na Syrian national ay mula lamang sa isang news reporter sa Kuwait na natanggap naman umano nito mula sa isang Lebanese Judicial Official.
Sa kabila nito, hindi pa rin aniya sila tumitigil sa pakikibalita sa mga nasabing suspek.