(Eagle News) — Isa-isang hinarang ng mga operatiba ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) at Inter-Agency Council on Traffic (I-ACT) ang mga pampasaherong tricycle sa kahabaan ng Katipunan Avenue partikular na sa CP Garcia sa Quezon City Martes ng umaga, Hunyo 19.
Ilan sa mga naabutan ng I-ACT at LTFRB ay ang mga tricycle na punong-puno ng sakay na mga estudyante.
Ang resulta nalate sa pagpasok sa eskuwelahan ang ilang mga estudyante na naapektuhan ng panghuhuli ng LTFRB.
Umalma naman ang mga tricycle driver na apektado ng ginawang panghuhuli.
Humingi naman ng pasensya si Atty. Aileen Lizada sa mga tsuper ng tricycle gayundin sa mga estudyante at magulang na naapektuhan ng ginawa nilang operasyon.
Paliwanag ni Lizada inilalagay lamang anila nila sa kaayusan kung saan dapat lamang ang limitasyon ng mga tricycle sa mga kalsada.
Kaagad namang nag-provide ng mga alternatibong masasakyan ang mga estudyante na naapektuhan sa ginawang operasyon ng I-ACT upang makahabol sa kani-kanilang mga klase.
Ayon sa LTFRB, maglalagay na ng mga bus ang I-ACT at LTFRB na may special permit na magsisilbing transportasyon ng mga estudyante na papasok sa eskuwelahan at magsisilbi ding transportasyon ng ilan pang mga commuter na apektado ng pagbabawal ng tricycle sa kalsada.
Matatandaan na pinanunukala din ng LTFRB ang pagbabawal sa paggamit sa mga tricycle na maging school service na inalmahan naman ng ilang mga commuter group. (Earlo Bringas)