Walang plano ang Moro Islamic Liberation Front o MILF na makipag-renegosasyon sa pamahalaan sa pinasok na kasunduang pangkapayapaan sa gobyerno ng Pilipinas sakaling pasyahan ng Korte Suprema na unconstitutional ang Bangsamoro Basic Law o BBL.
Sa editorial na naka-post sa website ng MILF na luwaran.net, binatikos ng MILF ang mga kritiko nito sa Kongreso na inakusahan nilang nagga-‘grandstanding’ kasabay ng babalang ang mga hakbang ng mga ito ay maaaring magresulta sa dangerous consequences.
Kung magiging matagumpay aniya ang mga ito sa kanilang grandstanding at lumabas na hindi binding ang BBL dahil sa legal challenge at ideklarang labag sa konstitusyon, sinabi sa editoryal na lubha itong magiging delikado at mapanganib.
Sabi ng MILF na hindi rin nito ire-renegotiate ang Framework Agreeement, gayundin ang Comprehensive Agreement on the Bangsamoro o CAB.
Ang Framework Agreement ay naglalayong bumuo ng isang Bangsamoro Entity na papalit sa Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) na nilagdaan sa pagitan ng Gobyerno at MILF noong 2012.
Bahagi ng isinusulong na lugar sa Bangsamoro Entity ang Isabela City sa Basilan, Cotabato City, Anim Na Bayan sa Lanao Del Norte, ilang Lugar sa North Cotabato bilang karagdagan sa mga kasalukuyang bumubuo sa ARMM gaya ng Basilan, Maguindanao, Lanao Del Sur, Sulu at Tawi-Tawi.
Ang CAB naman ay siyang basehan sa pagsusulong ng BBL na nilagdaan sa pagitan ng Gobyerno at MILF noong nakaraang taon.
Sinabi pa sa editoryal na nahaharap sa malaking gulo ang bansa kung patuloy na gagamitin ng mga kritiko ang Mamasapano incident.