IPIL, Zamboanga Sibugay (Eagle News) – Puspusan ngayon ang ginagawang recruitment ng 102nd Brigade para sa mga gustong magsilbi sa bayan bilang sundalo. Kaya tinipon nila ang mga aplikante at sumailalim ang mga ito sa screening test ng brigade na nakabase sa Ipil, Zamboanga Sibugay.
Sinalubong ng mga aplikante ang pagsikat ng araw sa Ipil Air Field upang magpakitang-gilas sa limitadong oras ng set ng sit-up, push up, at 3.2 kilometer run. Bahagi into ng initial screening na isinagawa ng 102nd Infantry Brigade.
Ayon kay Capt. Arniel Tormis, 102nd Brigade Civil Military Operations Officer, sa unang araw (July 30) pa lang ng 2-day screening ay halos maabot na ang quota ng brigade na ipapadala sa 1st Infantry Division sa Pagadian, Zamboanga del Sur.
Aniya, kasama ang mga ito sa quota na 500 new recruits para sa 1st ID. Aminado si Tormis na isa sa mga dahilan ng paspasang recruitment ay ang pagkamatay ng maraming sundalo.
Mga high school graduate, college level, at college graduate ang aplikante na nagmula sa Zamboanga del Sur, Zamboanga del Norte, at Zamboanga Sibugay. Ayon kay Tormis, ang aktibidad nilang ito ang ligal at totoong recruitment para sa mga gustong magsundalo.
Jen Alicante – Eagle News Correspondent, Ipil, Zamboanga Sibugay