PAGADIAN CITY, Zamboanga del Sur (Eagle News) – Patay ang dalawa katao habang siyam naman ang sugatan matapos mahulog sa bangin ang kanilang sinasakyang military truck sa Sitio Dumalian, Barangay Lourdes sa Pagadian City.
Ayon sa report ng 53rd Infantry Battalion, ang nasabing sasakyan ay nag-rescue sa dalawang sugatan na mga sundalo na nakipagbakbakan sa rebeldeng New People’s Army (NPA) sa Brgy. Lison Valley sa nasabing lungsod.
Bandang 10:00 ng umaga nitong Linggo, Disyembre 10 ng magkapalitan ng putok ang tropa ng Charlie company ng 53rd IB sa mga rebeldeng grupo na tumagal ng apat na oras . Dalawa ang sugatan sa hanay ng militar na kinakailangang madala agad sa ospital.
Habang binaybay ng nasabing military truck ang kahabaan ng Lison Valley patungo nang Pagadian City, pagdating nito sa lugar ay nawalan ito ng preno at aksidenteng nahulog sa isang bangin.
Agad dinala sa pinakamalapit na ospital ang labing isang sakay nito na mga sundalo ngunit dalawa dito ay idineklarang dead on arrival.
Hindi pa pinangalan ng mga awtoridad ang dalawang nasawi at maging ang siyam na sugatan dahil patuloy pa umano ang kanilang isinagawang imbestigasyon.
Sa ngayon ay nagpapatuloy pa ang opensiba ng mga militar laban sa mga rebeldeng grupong NPA habang nagdagdag na rin ng karagdagang puwersa ang militar sa lugar para tugisin ang mga bandidong grupo.
(Eagle News Correspondent, Ferdinand C. Libor, Jr.)