TINITIYAK ni Ifugao Rep. Teddy Baguilat na kaisa siya ni president-elect Rodrigo Duterte sa patakaran nito laban sa pagmimina sa bansa.
Kasunod ng pahayag ni Duterte na isa sa tututukan niya ang mining ndustry upang mapatino at mawala na ang mga kompanyang sumisira sa kalikasan, sinabi ni Baguilat na panahon na para magkaroon ng political will sa pagpapatupad ng mas mahigpit na regulasyon sa pagmimina na pumapatag ng kabundukan, nagdudulot ng polusyon sa mga ilog at nagpapalayas sa komunidad ng mga katutubo.
Bilang dating Chairman ng House Committee on Indigenous Peoples, batid daw ng mambabatas na marami sa mga kaso ng pagpatay sa mga lumad ay dahil sa paglaban sa pagmimina sa kanilang lugar.
Nanawagan din kay Duterte si Baguilat na isulong ang new mining law na tutukoy sa no-go mining zones gaya ng sagradong lugar ng mga katutubo, mga lupang sakahan, protected areas, heritage sites at watersheds. Dagdag pa ng mambabatas, kailangan na rin taasan ang buwis sa pagmimina at ang nakukuhang bahagi dito ng lokal na pamahalaan na nakakasakop sa lugar ng minahan.
Hiling pa ni Baguilat sa bagong pangulo na tutukan ng kaniyang administrasyon ang small-scale miners dahil karaniwn umanong ginagamit ang mga ito sa patagong large scale mining operations.
(Eagle News Service, Ben Salazar.)