Ni Ferdinand Libor
Eagle News Correspondent
PAGADIAN CITY, Zamboanga del Sur (Eagle News) – Arestado ang isang miyembro ng Citizen Armed Forces Geographical Unit (CAFGU) matapos lumabag sa umiiral na gun ban ng Commission on Elections (COMELEC) kaugnay sa nalalapit na Barangay at Sanggunian Kabataan Election 2018 sa Purok Riverside, Brgy. Sta. Lucia, Pagadian City, Zamboanga del Sur.
Kinilala ang suspek na si Shielvert Onido, 23 taong gulang, may-asawa at residente ng San Pablo, Zamboanga Del Sur.
Ayon kay Police Supt. Benito Recopuerto, hepe ng Pagadian Philippine National Police, nasangkot umano ang lalaking kapatid ng suspek sa isang suntukan laban sa ilang kabataan sa naturang lugar na kung saan nagtamo ito umano ng maraming pasa.
Sa kasagsagan ng suntukan, rumesponde umano ang suspek sa lugar ng pinangyarihan para ipagtanggol ang kapatid bitbit ang isang kalibre kwarenta’y singkong baril. Nanutok ng baril at sinuntok umano ng suspek ang ilang mga kabataan na kaniyang naabutan sa lugar.
Ang nasabing insidente ay nasaksihan ng mga rumurondang barangay tanod sa lugar na agad na nakapagsumbong sa pulisya. Agad na rumesponde ang SWAT team ng Pagadian PNP sa lugar.
Nakumpiska mula sa suspek ang ginamit nitong baril kasama ang isang magazine at apat na bala.
Ayon naman sa suspek na si Onido, nagpunta lamang siya sa bahay ng kaniyang tiyuhin na naninirahan sa lugar para kunin ang kaniyang baril nang makita niyang sugatan sa noo ang kaniyang kapatid mula sa nangyaring suntukan.
Ipinagtanggol lamang raw niya ang kaniyang kapatid mula sa mga nakaaway kaya niya nagawa ang panunutok at pananakit sa mga kabataan na kaniyang naabutan sa lugar.
Self-defense lang umano ang kaniyang ginawa dahil baka tuluyang patayin ng mga nakaaway ang kaniyang kapatid.
Nakakulong na sa Pagadian PNP station ang suspek na nahaharap sa kasong paglabag sa Omnibus Election Code at illegal possession of firearms.
Samantala, hinikayat rin ng pulisya ang mga kabataan na magtungo sa istasyon at magsampa ng kaso laban sa suspek.
Sa kasalukuyan ay patuloy ang pagbabantay at mahigpit na seguridad na ipinatutupad ng Pagadian PNP upang mahuli ang mga lalabag sa Comelec gun ban. (Eagle News Service)