MMDA, nagsagawa ng clearing operations sa Geronimo St., Sampaloc, Maynila

Meanne Corvera
Eagle News Service

Upang aksyunan ang mga reklamo sa Presidential hotline 8888 ukol sa illegal parking sa Sampaloc, Maynila, inalis ngayon ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang mga nakahambalang sa daloy ng trapiko sa isang kalye sa Manila City.

Pinangunahan ni MMDA Chairman Danilo Lim ang joint operations ng miyembro ng Special Operations Task Group at Manila City Anti-Illegal Parking Operations Team sa pagsasaayos ng Geronimo Street, Barangay 432-Zone 44 sa Sampaloc.

Saad ni Lim, ang clearing operation ay tugon sa direktiba ng Presidential Action Center para paluwagin ang naturang kalsada kung saan nakatayo ang Ospital ng Sampaloc.

“Matagal na nating sinabihan ang mga barangay captain at mga leader dito na iki-clear natin ito kasi subject ito ng complaint. May mga tao na sumulat sa Malacañang na hindi na magamit ang Geronimo Street dahil napakaraming nakapark na sasakyan sa kalye at mga nagbebenta rito kaya hindi na madaanan,” ani Lim.

Sa naturang operasyon, tinanggal ng MMDA ang mga gamit ng kainan at tindahan sa iba’t-ibang bahagi ng Geronimo Street sa kabila ng pakiusap ng mga residente na bigyan sila ng oras para maialis nila ang kanilang stand.

Kinumpiska rin ang iba’t-ibang kariton, bisikleta, bangko, construction materials at mga paso ng halaman na nakasagabal sa kalye.

Nag-issue naman ang MMDA ng citation ticket sa mga may-ari ng mga sasakyan na nakaparada sa kalsada habang ang ilan ay na-tow at dinala sa impounding site ng ahensya.

Saad ni Lim, nakikipagtulungan sila ngayon kay Department of the Interior and Local Government (DILG) Undersecretary for Barangay Affairs Martin Diño para mag-cooperate ang mga barangay leader sa pananatili ng kaayusan sa kanilang sinasakupan at makipagtulungan sa kampanya ng MMDA para alisin ang mga nakahambalang sa kalye.

Dagdag naman ni MMDA Acting General Manager Jojo Garcia na patitingnan ng ahensya kung meron kaukulang building permit ang mga ginagawang bahay sa kalsada na nakitang lumalabag sa setback restrictions.

“May mga ginagawa na dikit na dikit sa kalsada, wala nang setback,” ani Garcia.

Nagpasalamat naman ang MMDA kay Manila City Mayor Joseph Estrada sa pagpapadala ng miyembro ng Manila Traffic and Parking Bureau para tumulong sa operasyon.

 

Related Post

This website uses cookies.