(Eagle News) — Ibinunyag ng Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) ang bagong modus ng mga sindikato ng alahas at ginto upang maipuslit papasok sa bansa ang kanilang mga alahas.
Sa modus, sangkot diumano ang ilang opisyal ng gobyerno, kabilang ang ilang mga opisyal Bureau of Customs.
Sabi ni PACC Comissioner Greco Belgica, sinusundo ng mga kurap na opisyal ng pamahalaan ang mga smuggler sa terminal upang kunin at mailabas ang kontrabando.
Nangyari aniya ito sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 3 noong May 5, 2018.
Kitang-kita aniya sa closed-circuit television camera na inabot ng isang bansag na Adbullah Minbawalang ang isang bag kay Customs Flight Supervisor Lomodot Macabando.
Ang bag diumano ay naglalaman ng mga alahas at ginto na nagkakahalaga ng anim na milyong piso.
Si Macabando ang naglabas ng bag sa terminal pero hinabol siya ng mga pulis at nahuli.
December 2017 hinarang din sa NAIA Terminal 3 ang isang Mimbawalang dahil sa pagpupuslit ng alahas at ginto na nagkakahalaga ng higit labin-limang milyung piso.
Dito naman aniya nakialam si dating Justice Assistant Secretary Moslemen Macarambon Sr.
Hindi itinanggi ni Macarambon ang pakikialam nito sa usapin ni Mimbawalang, una dahil kaanak nya ito at ang kaniyang ginawa lamang ay tukuyin ang buwis na dapat bayaran.
Pero paliwanag ng PACC, sa halip na hulihin ang mga smuggler pinababa lamang ang buwis na babayaran batay sa halaga ng dala-dalang kontrabando.
Sa normal na proseso sa loob ng terminal, daraan sa quarantine ang handcarry ng isang pasahero.
Kasunod nito, dadaan ito sa immigration officer, kukunin ito carousel at sisiyasatin ng kinatawan ng Bureau of Customs.
Sa modus ng mga sindikato, sa carousel area pa lamang kukunin na ang kontrabando at ang kurap na opisyal ang maglalabas nito sa terminal.
Sa imbestigaston ng PACC kay Mimbawalang, 133 beses itong bumiyahe sa loob at labas ng bansa mula 2014 hanggang 2018 o katumbas ng 4 na beses kada buwan.
Isa lamang si Mimbawalang sa walo na binabantayan ng PACC na smuggler ng ginto at alahas sa bansa mula Dubai at Bangkok.
Kung susundan aniya ang datos ng byahe ng mga sindikato, halos sampung bilyung piso ang nalulugi sa gobyerno taun-taon.
Samantala inihahanda na ng PACC ang mga kaso laban sa mga kurap na opisyal ng pamahalaan na sangkot sa modus. Erwin Temperante