Monsoon break mararanasan sa bansa sa mga susunod na araw – PAGASA

Photo courtesy of www.pagasa.dost.gov.ph

(Eagle News) — Makararanas ng ‘monsoon break’ ang bansa sa mga susunod na araw dahil sa paghina ng southwest monsoon o hanging habagat.

Ayon kay Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) Weather Specialist Samuel Duran, posibleng hindi makaranas ng pag-uulan ang bansa dahil sa paghina ng habagat at pag-iral ng ridge of high pressure area (HPA) na isang weather system na nakatutulong para maiwasan ang mga bagyo.

Kasalukuyang nakakaapekto ang ridge of HPA sa hilaga at gitnang Luzon.

Posibleng umiral ang monsoon break sa loob ng ilang araw at mararanasan ang mainit na panahon lalo na sa araw.

Gayunman, malaki ang posibilidad ng mga pag-ulan sa hapon o gabi.

Kahit umiiral ang ridge of HPA sa Luzon posible pa ring maranasan ang mga mahihina hanggang katamtaman at paminsan-minsang malalakas na pag-ulan partikular sa silangang bahagi ng Visayas at Mindanao dahil sa namuong kaulapan sa nasabing mga lugar.

Ibinabala ang posibilidad ng mga pagbaha at pagguho ng lupa dahil sa mabababang mga lugar.

Wala namang bagyo ang inaasahang papasok sa bansa sa buong linggo.