DAVAO CITY (Eagle News) – Naglabas ng desisyon ang Municipal Trial Court in Cities (MTCC) Branch 3 sa sala ni Judge Silverio Mandalupe na nagbasura sa mosyon sa abogado ng self-confessed Davao Death Squad (DDS) member Edgar Matobato.
Si Atty. Jude Josue Sabio na bagong abogado ni Matobato ay nag-mosyon upang ma-recall ang warrant of arrest para sa kasong illegal possession of firearms ng kaniyang kliyente ngunit nabasura lamang ito.
Napag-alaman na humingi ng konsiderasyon sa korte si Sabio para kay Matobato na huwag munang magpalabas ng warrant of arrest dahil nasa senado umano ito noong itinakda ang arraignment noong Oktubre 4. Nakasaad din sa mosyon na nataon ding nag-withdraw na sa panahong iyon ang dating abogado nitong si Atty. Gregorio Andolana.
Sa nasabing order naman ng MTCC, Branch 3, “lack of merit” ang nasabing mosyon ni Matobato. Mas binigyan pabor ng korte ang manipestasyon ni Prosecutor Joy Bernales-Largo na kung saan (9) siyam na beses na umano nitong hindi sinipot ang pagbasa ng kaso niya mula pa noong taong 2014.
Alias warrant lang din umano ang inilabas dahil hindi na ma-locate si Matobato. Maliban sa pagbasura sa mosyon, itinaas na rin ng korte ang piyansa nito mula sa dating Php 2,000 hanggang Php 60,000 na.
Haydee Jipolan – EBC Correspondent, Davao City