(Eagle News) — Sa presinto ang bagsak ng ilang kalalakihan matapos arestuhin ng mga operatiba ng Manila Police District (MPD) sa isinagawang Oplan Galugad sa Tondo, Manila kagabi, Setyembre 25.
Aabot sa dalawampu’t tatlong katao ang hinuli ng mga pulis sa Station 1, anim sa mga ito ay pawang mga walang damit pang itaas habang ang labing-pito sa mga ito ay naaktuhan na nag-iinuman sa eskinita at tabing kalsada.
Ang ilan sa mga nahuling walang pang-itaas na damit ay hindi umano alam na mahigpit itong ipinagbabawal.
Habang ang ilan pa sa nahuli ay umiinom at tila malakas na ang epekto ng alak sa katawan.
Ayon kay Senior Police Inspector Romeo Estabillo ng Deputy Chief ng Station 1, patuloy silang nagsagawa ng Oplan Galugad upang maiwasan ang pagkakaroon ng krimen.
Sasailalim muna sa profiling ang mga nahuling umiinom ng alak at nahuling walang pang itaas upang masigurong wala itong kinasasangkutan kaso
Bukod sa Station 1 ng MPD, nagsagawa din ng Oplan Galugad ang iba pang istasyon ng pulisya sa lungsod ng Maynila upang mahuli din ang mga nagtatago sa batas.
(Eagle News Service, Paulo Macahilas)