(Eagle News) — Nagbabala ang Manila Police District (MPD) sa publiko na iwasan ang pagpo-post sa social media ng kanilang mga aktibidad at lokasyon ngayong mahabang bakasyon lalo na ang ‘updates’ at ‘live’ sa facebook para na rin sa kanilang seguridad.
Sinabi ni Manila Police District spokesperson, Supt. Erwin Margarejo na hindi dapat ipaalam sa ibang tao ang lokasyon at kung sinu-sino sa miyembro ng pamilya ang kasama dahil sasalamin ito sa kung may naiwang tao sa tahanan na maaaring samantalahin ng mga magnanakaw o masasamang loob.
Iwasan din aniya ang nakagawian na mag-iwan ng sulat sa labas ng pintuan o sa gate na nagsasabing walang tao sa bahay.
Aniya, karamihan sa mga kababayan natin ay dumadalaw sa mga kaanak at sa sementeryo at ang iba ay umuuwi pa sa mga lalawigan o dumidiretso sa mga pasyalan.
Ayon sa opisyal, mas mabuting ibilin sa mga pinagkakatiwalaang kapit-bahay, kaanak o opisyal ng barangay kung hindi maiiwasang walang maiwan sa bahay.