Ni Mar Gabriel
Eagle News Service
(Eagle News) — Marami ang nagulat nang biglang magpatupad ng mahigpit na seguridad ang pamunuan ng Metro Rail Transit at Light Railway Transit nitong mga nagdaang linggo.
Hindi na pinapayagan ang mga pasahero na magpasok ng anumang uri ng liquid sa lahat ng istasyon, mapa-inuming tubig at hangang sa pabango.
Sa pahayag na inilabas ng pamunuan ng MRT 3, kinumpirma nila na nakatanggap sila ng bomb threat sa pamagitan ng email noong Enero 3 na agad naman nilang inireport sa Philippine National Police.
Ito anila ang dahilan kung bakit bigla silang nagpatupad ng mahigpit na security protocol base na rin sa rekomendasyon ng pulisya.
Hindi raw nila kayang isakripisyo ang kaligtasan ng mga pasahero gaya ng nangyari noong Disyembre 30, 2000 o ang Rizal Day bombing kung saan marami ang nasawi at nasugatan.
“It has been proven that an attack in a railway system is highly possible, and we do not want a repeat of the unfortunate incident on Dec. 30, 2000 (Rizal Day Bombings) where a number of our people died and suffered,” ayon sa pahayag ng MRT.
Ayon naman sa PNP, ang ipinatutupad na seguridad sa mga istasyon ng tren ay nakabase daw sa international standard kasunod ng pagdedeklara ng full alert status sa Metro Manila matapos ang nangyaring pambobomba sa Jolo, Sulu.
Sa harap nito, pinawi naman ng PNP ang pangamba ng mga taga-Metro Manila.
Wala naman daw kasi silang natatanggap na espisipikong banta sa seguridad.
Katunayan pinag-aaralan na raw ng PNP at ng pamunuan ng MRT ang pagbabalik sa normal ng ipinatutupad na seguridad matapos na ibaba kahapon ng National Capital Region Police Office sa heightened alert ang kanilang alert status sa buong Metro Manila.