(Eagle News) — Isa sa mga kilalang bundok na dinarayo ng mga hiking enthusiast ang Mt. Daraitan na matatagpuan sa border ng Quezon at Tanay, Rizal.
Ang Daraitan ay galing sa salitang “dara” na ang ibig sabihin ay limestone at ang “aeta” naman ay ang tawag sa mga lokal na nakatira dito.
Upang masiguro ang kaligtasan ng mga hiker, may orientation na isasagawa bago umakyat ng bundok at mayroon ding nakatalagang mga tourist guide sa bawat grupo bago simulan ang pag-akyat sa Mt. Daraitan.
Dahil sa ganda ng lugar, araw-araw, nasa mahigit isang daang hikers ang nagnanais umaakyat habang umaabot naman ng mahigit tatlong daang hikers kapag weekend at magkaminsan naman ay higit pa sa required capacity ng bundok ang dumarayo dito.
Kung kaya’t may mga pagkakataong kapag hindi ma-accomodate ng Daraitan ang mga turista sa lugar, inirerekomenda ng tour guide na umakyat na lamang sa ibang bahagi ng bundok.
Tatlong oras ang aabutin bago marating ang summit subalit kung hindi pa sanay o beginner pa lamang sa mountaineering maaari itong abutin ng hanggang apat na oras.
Pagdating naman sa summit makikita ang iba’t ibang rock formation na nakapalibot sa pinaka-tuktok ng bundok. Makikita dito ang iba’t ibang view spot kung saan mabubusog ang inyong paningin sa mga instagramable na tanawin.
Yun nga lang dahil sa dami ng umaakyat dito, kailangang maging matiyaga sa pagpila upang ma-achieve ang mga instagram-worthy pictures para sa inyong travel goals.
Maaari rin namang kumuha ng larawan sa lahat ng spot ng rock formation upang masulit ang inyong pagpunta sa lugar bago bumaba ng bundok.
Subalit kung gaano kahirap ang pag-akyat mas mahirap naman ang pagbaba rito lalo na kung aabutan ng masamang panahon sa gitna ng daan. Kailangan din kasing mag-ingat sa madulas na trail at pababang daanan upang makaiwas sa disgrasya.
Ngunit sulit na sulit naman ang inyong pagod dahil naghihintay sa lugar at bubungad sa inyo ang refreshing na tanawin ng nakamamanghang ganda ng Tinipak river kung saan maaaring magtampisaw, lumangoy o di kaya naman ay magmuni-muni.
Sinasabing ang Tinipak river ang isa sa pinakamalinis na ilog sa bansa dahil napanatili nito ang kalinisan ng tubig sa ilog.
Ipinapatupad kasi sa lugar ang pagbabawal sa paglangoy o paliligo ng may sabon at ang pagkain sa paligid nito, kaya isa ito sa mga yaman ng kalikasang na-eenjoy natin hanggang ngayon.
Sa halagang 850 pesos mararating na ang Mt. Daraitan, Tinipak cave at Tinipak river na bagay na bagay sa mga young professionals na gustong mag-unwind at mag-nature tripping subalit hindi mabigat sa bulsa.
(Eagle News Marie Ochoa)