BACOLOD City, Negros Occidental (Eagle News) — Ilang mga barangay sa Bacolod City ang nakaranas ng pagbaha matapos ang biglaan at malakas na pagbuhos ng ulan noong Biyernes ng gabi.
Ang mga commuter ay na-stranded ng ilang oras bago sila makarating sa kanilang destinasyon sapagkat halos hanggang baywang ang lalim ng baha at sa ilang mga baranggay ay halos hanggang leeg ang baha.
Ang ilang mga residente ay sinagupa ang baha upang maisalba ang kanilang mga kasangkapan sa bahay at mga alagang hayop.
Batay sa unang ulat ng City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO), ang ilan sa mga lugar na may baha ay ang Barangay 27, 28, Singcang-Airport, 35, 40, 41, Pahanocoy, Alijis, Taculing, Mansilingan, Mandalagan, Tangub, Bata , 2, 14, at Sum-ag.
Hindi bababa sa 80 pamilya mula sa mga apektadong lugar ang pansamantalang dinala sa iba’t ibang mga evacuation center tulad ng mga paaralan at barangay hall at wala pang naiulat na nasaktan o nasawi, ayon sa CDRRMO.
Sinabi naman ni Bacolod City Mayor Evelio Leonardia na ang mga rescue vehicles ay na-deploy habang ang mga trak ng kontratista sa pagkolekta ng basura ng lungsod ay nagbigay ng libreng-sakay sa mga stranded na pasahero at evacuees.
Hinimok ni Leonardia ang mga residente na maging mapagbantay, magsagawa ng kaukulang pag-iingat at agad na lumikas kung kinakailangan.
Bukod sa Bacolod City, ang mga baha ay nakarating sa iba pang mga bayan sa Negros Occidental kabilang ang mga lungsod ng Bago, Talisay, at La Carlota, at mga bayan ng Hinobaan, Murcia, Binalbagan, at Pontevedra.
Bukod sa mga pagbaha, ang isang landslide ay naunang iniulat sa Sipalay City. (Christine Semillano – Eagle News Correspondent)