MANILA, Philippines (Eagle News) — Aabot sa 11,000 households sa Taguig City ang makararanas ng pansamantalang water service interruption ngayong araw, Enero 16 simula mamayang alas-10:00 ng gabi.
Sa anunsyo ng Manila Water Company Inc., magsasagawa sila ng improvement works sa dalawang magkahiwalay na lokasyon sa Cuasay Road na makakapekto sa suplay ng tubig sa ilang barangay.
Ilan sa lugar na apektado nito ay ang Barangay Central Signal, South Signal, bahagi ng Western Bicutan (SS brigade), at bahagi ng pinagsama (EP Housing Phase I).
Walong oras ang itatagal ng pagputol ng suplay ng tubig na inaasahan namang maibabalik bukas, Enero 17 ng alas-6:00 ng umaga.
Inabisuhan naman ang mga maaapektuhang residente na mag-imbak ng sapat na tubig.
Kasabay nito, sinabi rin ng Manila Water na isasara ang bahagi ng Cuasay Road dahil sa maintenance activity.
Lahat ng sasakyan na magmumula sa C5 ay inaabisuhang tahakin ang Sto. Niño Street.
Sa mga manggagaling naman sa C6 ay inaabisuhang kumanan sa 10th Street, diretso sa Sampaloc Street, at kumaliwa sa Molave Street para makarating sa MRT Cuasay.