(Eagle News) — Bagaman wala pang narerekober na bangkay, ipinahayag ngayon ng militar na tinatayang nasa 14 na mga miyembro na ng Abu Sayaff Group (ASG) ang napatay sa opensiba ng tropa ng gobyerno sa Sulu sa loob ng limang araw.
Ayon sa Armed Forces of the Philippines (AFP), isinagawa ang pamomomba sa mga kilalang balwarte ng ASG sa mga bayan ng Patikul at Talipao noong Sabado, Abril 23, kasabay ng pagbabanta ng rebeldeng grupo na pagpugot sa ulo ng isa sa kanilang mga bihag kung hindi maibibigay ang hinihinging P300 million na ransom kada hostage.
Dagdag pa ng AFP, nakabatay ang naturang bilang ng mga napatay na rebelde sa report na tinanggap ng Western Mindanao Command mula sa mga sibilyan at isusunod na anila ang validation ng naturang datos.
Samantala, matatandaang iniutos na ni Pangulong Benigno Aquino III ang mas pinalakas na opensiba laban sa ASG matapos pugutan ng ulo ng mga rebelde ang Canadian na si John Ridsdel na isa sa apat na binihag sa Samal Island noong Setyembre 2015 matapos na hindi maibigay ang itinakdang ransom para sa dayuhan noong Lunes.