(Eagle News) — Naging alerto sa paglikas ang mga residente ng Barangay Bagong Silangan, Quezon City matapos na tumaas at lumubog ang kani-kanilang mga bahay sa baha dahil pa rin sa magdamagang pag ulan.
Aabot sa mahigit dalawang daang pamilya ang lumikas mula sa mga lugar sa nasabing barangay.
Kaagad na nag-anunsyo ang Barangay sa mga residente kaya marami sa mga ito ay boluntaryo namang lumikas.
Kaagad namang pinamahagian ng relief goods ang mga residente at mga kagamitan na kanilang magagamit tulad ng mga damit kumot at banig.
Posible anila pa itong madagdagan pag nagtuloy-tuloy pa ang malakas na ulan.
Si Aling Angelie maaga pa lamang ay lumikas na kasama ang kaniyang buong pamilya dahil sa pangamba na baka lumakas pa ang ulan at lumubog ang kanilang bahay.
May mga ilang mga residente naman na ayaw pang lumikas at tila ayaw iwanan ang kanilang bahay nakikiramdam anila sila sa lebel ng tubig sa ilog kung kinakailangan ng lumikas.
Maging ang ginagawang palengke ay pansamantala munang ginawang evacuation center ng mga lumikas na residente.
Mga residente ng Marikina alertong nakalikas dahil sa masamang panahon
Samantala, sa Marikina City, magdamagang binantayan ng City Risk Reduction and Management Office o (CDRRMO) ang lebel ng tubig sa Marikina River.
Mula kagabi ay bumaba naman ang lebel nito pero patuloy na nakaalerto ang munisipyo ng Marikina sakaling tumaas muli ang lebel ng tubig sa ilog.
Kaagad ding lumikas ang mga residente dahil sa pangamba na tumaas ang tubig baha sa lugar.
Nagsilbing evacuation centers ng mga residente ay ang mga classroom katulad ng Malanday Elementary School sa Marikina.
Mahigit 300 pamilya ang alertong nakalikas bago pa man lumala ang pagbaha sa kanilang lugar. (Earlo Bringas)