Ni Mar Gabriel
Eagle News Service
QUEZON CITY, Philippines (Eagle News) — Mahigit isang linggo bago ang ikatlong State of the Nation Address ni Pangulong Rodrigo Duterte, unti-unti nang pinaplantsa ng National Capital Region Police Office ang ipatutupad na seguridad.
Ayon kay NCRPO Director PolChief Supt. Guillermo Eleazar, nasa anim na libong pulis na ang hahatiin sa limang sub-task group ang plano nilang ipakakalat sa naturang aktibidad.
Pero maaari pa raw itong madagdagan depende sa sitwasyon.
Magdedeploy din 600 sundalo ang Armed Forces of the Philippines (AFP) habang may augmentation din mula sa BJMP, BFP at MMDA.
Sa Sabado, Hulyo 14, makikipagpulong daw ang NCRPO sa mga aktibistang grupo para pag usapan kanilang mga plano.
Sa ngayon kasi, pinag-iisipan pa ng NCRPO kung papayagan ba ulit ang mga raliyista na makalapit at mga programa sa IBP Road o ibabalik na lang ulit sila sa dating pwesto sa Commonwealth Avenue.
Muli namang tiniyak ng NCRPO na ipatutupad nila ang maximum tolerance sa hanay ng mga raliyista.
Pero kailangan daw na disiplinahin din ng mga raliyista ang kanilang hanay at tiyakin na hindi sila mahahaluan ng mga taong may planong maghasik ng kaguluhan.
Iimbitahan din daw NCRPO ang Commission on Human Rights na magpadala ng kanilang mga kinatawan para magbantay sa aktibidad sakaling magkaroon ng gulo.