Nasuspindeng hepe ng Ozamiz Police, balik-pwesto na

OZAMIS CITY, Misamis Occidental (Eagle News) – Ibinalik sa puwesto ang nasuspindeng hepe ng Ozamis City Police Station.

Ito ay matapos kanselahin ng liderato ng Philippine National Police ang 90-day preventive suspension na ipinataw kay Chief Inspector Jovie Espenido.

Ayon sa special order na inaprubahan ni PNP Chief Director General Ronald de la Rosa, ang suspension order kay Espenido na may petsang July 7 ay isinasantabi simula July 13.

Ayon kay Police Regional Office – Northern Mindanao spokesperson Lemuel Ganda, hindi nakasaad sa special order kung ano ang dahilan ng pagkansela sa suspension ni Espenido.

Magugunitang sinuspinde ng National Police Commission si Espenido matapos maglabas ng desisyon ang Ombudsman sa kasong isinampa ni Ormoc City Mayor Richard Gomez laban sa pulis.

Kinasuhan ni Gomez si Espenido matapos sabihin nito na sangkot ang alkalde sa operasyon ng ilegal na droga.

Si Espenido ay dating hepe ng pulisya sa Albuera, Leyte bago nadestino sa Ozamiz City noong December 2016.

Nakilala siya sa kaniyang masigasig na kampanya laban sa ilegal na droga at kriminalidad.

 

Dia Marmi Bazar – Eagle News Correspondent, Ozamiz City

Related Post

This website uses cookies.