MANILA, Philippines (Eagle News) — Plano ng gobyerno na magtayo ng isang information satellite network sa buong bansa.
Sinabi ni Presidential Communications Secretary Martin Andanar na layon ng proyektong ito na labanan ang ‘disinformation’ at ‘misinformation’ o pagkalat ng fake news.
Sa pamamagitan anya ng nasabing satellite network ay maiiwasan ang pagkalat ng pekeng balita dahil sakop nito ang 42,000 barangay at lahat ng information officers dahilan upang matabunan ang mga balitang hindi totoo.
Ayon kay Andanar, ito ang magiging ‘central hub of information’ at bawat barangay ay bibigyan ng receiver para lahat ng opisyal ay direktang makatatanggap ng impormasyon mula sa gobyerno.
Pangungunahan ng Presidential Communications Operations Office ang proyekto kasama ang mga tanggapan ng Pangulo at ang National Security Adviser.