Ni Jerold Tagbo
Eagle News Service
(Eagle News) — Nagsagawa ng dayalogo ang National Capital Region Police Office (NCRPO) sa mga lider militante kaugnay sa gagawing malalaking kilos-protesta sa Biyernes sa paggunita sa ika-apatnapu’t anim na taong anibersaryo ng deklarasyon ng batas-militar.
Nagkasundo ang magkabilang-panig na susundin ang mga panuntunan sa araw ng protesta.
Kabilang na rito, na dapat sa mga itinalagang lugar lamang magprotesta ang mga ito.
Sa Biyernes, magsasagawa ng programa ang mga militanteng grupo sa Plaza Salamanca Bonifacio Shrine at Morayta.
Dadaan din ang mga ito sa Mendiola bago tumuloy ng Luneta kung saan ito ang main venue ng demonstrasyon.
Kaya ininspeksyon ni Eleazar ang Luneta kasama ang iba pang opisyal ng NCRPO ukol sa gagawing latag ng seguridad.
Maaari rin na gamitin ang Liwasang Bonifacio at Plaza Miranda bilang alternatibong site ng protesta.
Inaasahan din na magsasagawa ng pagkilos ang mga supporter ng dating pangulong Ferdinand Marcos kasama ang mga taga-suporta ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Burnham Green na malapit lamang sa Luneta.
Ayon kay NCRPO Regional Director Guillermo Eleazar, umaasa sila na mananatili lang sa itinalagang lugar ng demonstrasyon ang mga raliyista.
Maximum tolerance aniya ang kanilang ipapatupad sa Biyernes.
4,000 pulis, itatalaga sa gagawing kilos-protesta
Aabot sa dalawampung libo hanggang dalawangpu’t limang libo ang inaasahang lalahok sa mga kilos-protesta.
Kaya apatnalibung pulis ang ipapakalat ng NCRPO maliban pa rito ang Civil Disturbance Management Unit.
Tiniyak ng mga militante na magiging mapayapa ang kanilang rally sa Martial Law Anniversary.
Pero maituturing umanong overkill ang maraming deployment ng mga pulis.
Mga raliyistang posibleng gumawa ng vandalism, babantayan
Isa pa sa mga babantayan ng pulisya ang mga raliyista na maaaring magsagawa ng bandalismo sa mga pribado at pampublikong istraktura.
Pwedeng arestuhin ang sinumang kasama sa rally na mahuhuli sa akto ng bandalismo.
Wala namang daw namomonitor na terror threat ang NCRPO ukol sa Martial Law Anniversary sa Biyernes.