Ni Mar Gabriel
Eagle News Service
(Eagle News) — Nagsagawa ng walk-through sa kahabaan ng Commonwealth Avenue ang National Capital Region Police Office kasama ang mga lider ng militanteng grupo bilang paghahanda sa ikatlong State of the Nation Address ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Lunes, Hulyo 23.
Napagkasunduan na kasi ng magkabilang kampo na sa Commonwealth Avenue na lang ulit magprograma ang mga militanteng grupo sa halip na sa IBP Road gaya ng nagdaang dalawang SONA ng Pangulo.
Ayon kay NCRPO Director Pol Chief Supt. Guillermo Eleazar, mismong ang mga militante ang humiling na ibalik sila sa Commonwealth Avenue dahil masikip daw sa ibp road at baka hindi daw sila magkasya sa dami ng sasama sa kanilang protesta sa Lunes.
Partikular na itatayo ang stage sa harap ng Pancake House sa tabi St. Peter Chapel.
Ayon kay Bayan Secretary General Renato Reyes, sa kauna-unahang pagkakataon kasi ay magsasanib pwersa ang ibat ibang grupo na mga nasagasaan ng pangulo para maghayag ng kanilang mga saloobin.
Kasama na aniya rito ang mga konsumer na apektado ng TRAIN law, human rights group at mga religious groups na nabastos ng Pangulo.
Sa harap nito, kumpyansa si Eleazar na ng mga naunang sona ng pangulo, magiging mapayapa ulit ang sona ngayong taon dahil na rin sa magandang koordinasyon nila sa mga militante.
Gayunman magpapakalat daw sila ng pitong libong pulis para tumiyak sa seguridad ng mga VIP, mga mamamayan at ng mismong mga sasama sa protesta.
Wala naman daw plano ang NCRPO na magharang ng mga container van at barbwire sa kalsada.
Magpapatupad din daw ang hanay ng pulisya ng maximum tolerance, pero kung may lalabag daw sa batas at sa kanilang napagkasunduan ay mapipilitan ang mga pulis na mag-aresto at idisperse ang mga ralisyista.
Samantala, naghanda naman ng lugar sa IBP Road ang NCRPO para naman sa mga grupo na sumusuporta kay Pangulong Duterte na magsasagawa din ng kanilang programa sa Lunes.