Negosyanteng si Kim Wong, isinauli ang P38.28 M ng “laundered money” sa BSP

Ni Meane Corvera

(Eagle News) – Isinauli na ng negosyanteng si Kim Wong sa Bangko Sentral ng Pilipinas at Anti-Money laundering Council ang P38.28 million na bahagi ng ninakaw sa Central Bank ng Bangladesh.

Ayon kay AMLC director Julia Bacay Abad, nagmula ang pera sa Eastern Hawaii Corporation, isa sa mga  kumpanyang pag aari ni Kim Wong.

Sumaksi sa turn-over ceremony si Abad,  mga opisyal ng Bangko Sentral ng Pilipinas at si Bangladesh Ambassador to the Philippines John Gomes.

Nakalagay sa maleta ang pera na pawang mga 500 at 1000 peso bills.

Tumagal raw ng halos dalawang oras bago natapos ang pagbibilang.

Dalawang piraso rin ng 500 peso bills ang nadiskubreng peke pero pinalitan ito ng abugado ni Kim Wong.

Hawak na ‘laundered’ money ng BSP, nasa $5.5-million na —

Noong nakaraang linggo nagsauli rin si Kim Wong ng $ 4.63 million kaya umaabot na ngayon sa $5.5 million ang hawak ng BSP o katumbas ng 7 percent ng $81 million.

Pero sabi ng AMLAC, disidido pa rin silamg mabawi ang kabuuang $81 million.

Nauna nang sinabi ni Kim Wong sa pagdinig ng senado na bukod sa halagang nasa mga casino, may natitira pa umanong $17 million sa remittance company na Philrem.

Mula sa RCBC, sa Philrem idinaan ang pera patungo kay Kim Wong at ilang casino operator.

Sabi ng AMLC, tuloy ang ugnayan nila sa mga otoridad para i-verify ang naturang impormasyon.

Iniimbestigahan na rin aniya nila ang mga impormasyong ibinigay ng negosyante hinggil sa dalawang Chinese nationals na umanoy nakipag-transaksyon sa RCBC para maipasok ang pera sa Pilipinas

“ Yes, we are coordinating with proper authorities.  I am not at liberty to discuss that information,” ayon pa kay Abad, ang director ng AMLC.

Itutuloy ngayon  ng senado ang imbestigasyon kung saan inaasahang haharap na ang branch manager ng RCBC na si Maia Santos Deguito.

Si Deguito rin ang itinuro ni Kim Wong na umanoy nakipag usap sa isang Chinese national na si Huasua Gao para magbukas ng account sa RCBC.

Related Post

This website uses cookies.