(Eagle News) — Siyam na entry mula sa iba’t ibang TV network at pribadong indibidwal ang pinarangalan sa katatapos lamang na Sinebata 2018.
Tampok ang mga maiikling dokumentaryo at pelikula na kung saan mga bata ang bida at para sa kabataan ang tema ng programang kapupulutan ng mga aral.
Kabilang sa mga nag-uwi ng parangal ay ang “Kid Kuwento: Everyone Can Be A Hero” na entry ng Net 25 na nanalo sa Professional Non-Fiction under 7 age category.
Ayon kay Award-Winning Host Sally Lopez ng Net 25 kids at isa sa mga nag-produce ng entry — itinampok ang mga panayam sa mga bata kung sinu-sino para sa kanila ang hero sa kanilang buhay at nakakapagbigay ng inspirasyon sa araw-araw.
“Kid Kuwento: Everyone Can Be A Hero,” panalong entry ng Net 25
Matibay na katibayan din aniya ang parangal sa commitment ng Eagle Broadcasting Corporation na lumikha ng mga programang makabuluhan at puno ng aral hindi lamang sa mga bata kundi maging sa buong pamilya.
Ang “Kid Kuwento: Everyone Can Be A Hero” ang unang panalong entry ng Net 25 buhat nang magsimula ang Sinebata video competition na inorganisa ng Anak TV Foundation.
Mga nanalong entry, kasali sa Southeast Asia Video Festival for Children
Napili ang mga nanalong entry mula sa mga hurado ng Anak TV, mga kinatawan ng council for the welfare of children at ng Department of Social Welfare and Development.
Ang mga nanalong entry ang lalahok sa pangalawang edisyon ng Southeast Asia Video Festival for Children na gaganapin din sa bansa.
Sinabi ni Ms. Elvira Yap-Go, presidente ng Anak TV Foundation, tunay na nakakapagbigay ng inspirasyon ang mga kalahok sa Sinebata 2018 na nakakatulong sa pagpapakalat ng mga pambatang palabas para mahubog sa mabuting karakter ang mga kabataan.
Talento ng mga bata, nais maipamalas sa patimpalak
Mas magiging mahigpit naman aniya ang kumpetisyon sa Southeast Asia Video Festival for Children kung saan kalahok na ang mga video entry mula sa rehiyong kasali sa Association of Southeast Asian Nations (ASEAN).
Gayunman, ang mas importante ay ang maipamalas ang talento ng mga bata at makapagbigay ng inspirasyon sa mga manonood. (Eagle News Service Jerold Tagbo)