MANILA, Philippines (Eagle News) — Pinagbibitiw na ng minority bloc sa Kamara si National Food Authority (NFA) Administrator Jason Aquino.
Ito ay matapos maalarma ang mga kongresista sa pahayag ng ahensya na pang-isang araw na lang ang stock ng NFA rice.
Ayon kay House Minority leader Danilo Suarez, nakaka-alarma na ang sitwasyon dahil posible itong samantalahin ng mga tiwaling rice traders.
“Wala na, hindi na pinatatagal yung ganyang kapalpakan. Voluntarily he should not wait anymore ” pahayag ni Suarez.
Aniya, tumaas na ang presyo ng bigas na labis ng nakaka-apekto sa publiko.
Hinala pa ng kongresista na may kumitang rice importers at hoarders ng bigas sa sitwasyong ito dahil kahit wala namang shortage ay napalabas nilang meron.
Hindi aniya malayo na may nag-manipula sa pagpapalutang ng rice shortage na hindi naman aniya mangyayari kung ginawa lamang ng Department of Agriculture ang trabaho nito para sa food security.
“Is it manipulated? Does somebody make money out of this shortage, yes obviously,” dagdag pahayag ni Suarez. Eden Santos