(Eagle News) — Umaasa ang mga opisyal ng National Food Authority (NFA) na hindi na mauulit ang nangyaring pagkaubos ng supply ng NFA rice ngayong nasa ilalim na sila ng Department of Agriculture.
Ayon kay NFA Spokesperson Rex Estoperez, kabisado na ni Agricuture Secretary Emmanuel Piñol ang pasikot-sikot ng NFA dahil dati na ito sa ahensya.
Marami rin aniya sa mga opisyal ng DA ang may kaalaman sa operasyon ng NFA kaya mas mapapabilis ang pagdedesisyon at koordinasyon lalo na sa isyu ng bigas at palay.
Presyo ng nfa rice, hindi magbabago – NFA official
Tiniyak ng opisyal na wala pa ring magiging pagbabago sa presyo ng NFA rice sakaling dumating na sa bansa ang imported rice.
Kung magtataas man aniya ang presyo ng NFA rice mula sa 27 pesos at 32 pesos kada kilo yan ay depende sa magiging supply at presyo nito at kay Pangulong Rodrigo Duterte.
Pero sa ngayon ay wala pa umanong nakikitang dahilan ang ahensya para magbago ang kasalukuyang presyo ng NFA rice.
Inangkat na 250,000 metric tons ng bigas, darating sa Mayo
Ang 250 libong metriko toneladang bigas na darating sa Mayo ay magsisilbing supply para sa pitong araw.
Sinabi ni Estoperez na agad itong ilalaan para sa kalamidad at ipamamahagi sa pamilihan.
Eagle News Service Eden Santos
https://youtu.be/0lAoW5Nrkx8