Ni Meanne Corvera
Eagle News Service
Inamin ng National Housing Authority na bumagsak ang kanilang koleksyon ng monthly amortization sa mga housing project sa Central Luzon dahil sa nangyaring iligal na pag-okupa ng grupong Kalipunan ng Damayang Mahihirap sa mga units sa ilang mga site doon.
Sa briefing na isinagawa ng NHA bago ang ocular inspection sa mga site nitong Martes, sinabi ni Engineer Romuel Alimbuyao, deputy area manager sa Central Luzon, na halos 50 porsyento ang hindi nila nasisingil mula noong Marso, kung kailan pumasok ang mga miyembro ng Kadamay.
Katuwiran daw ng mga residente, bakit daw sila magbabayad kung maaari naman palang ibigay o libre ang pabahay ng gobyerno.
“Nakakaapekto na…Kina Kadamay libre, bakit (daw) sila magbabayad..Gusto ng iba libre,” sabi ni Alimbuyao.
Umaapela ang NHA sa gobyerno at Kongreso na bumalangkas ng malinaw na panuntunan dahil sa pangambang mabangkarote ang ahensya.
Sa ngayon nakapagsagawa na aniya ang NHA ng profiling sa 5, 278 na miyembro ng Kadamay para malaman kung lahat sila ay kwalipikado na maging benepisyaryo.
Sa pamamagitan ng profiling malalaman din kung meron silang mga kapangalan o extended family member.