(Eagle News) — Plano ng National Housing Authority (NHA) na matapos sa taong 2019 ang housing program nito para sa mga biktima ng super typhoon Yolanda na nanalasa noong taong 2013.
Ayon sa NHA, umaasa sila na maitatayo ang natitirang permanent housing units sa unang quarter ng 2019.
Tiwala aniya sila na matatapos ito hanggang sa second quarter ng nasabing taon.
Batay sa status report ng ahensya, mula nitong October 30, nasa kabuuang 78,291 units na ang natatapos.
Pero mula sa kabuuang bilang, 26,256 pa lamang–o 38 percent— ang naookupahan.
59,924 housing units naman ang kasalukuyan pang itinatayo.
Matatandaang nasa isangdaan at pitumpu’t isang lungsod at munisipalidad, at labing-apat na lalawigan sa anim na rehiyon ang nawasak ng super typhoon Yolanda.