(Eagle News) — Luluwag na ang trapiko sa Metro Manila sa oras na buksan ang North Luzon Expressway- Harbor Link Segment 10.
Ito ang tiniyak ni Department of Works and Public Highways Sec. Mark Villar sa isinagawang inspeksyon sa 5.65 kilometero na portion ng NLEX Harbor Link Segment 20 mula sa Karuhatan, Valenzuela City patungo sa Bagong Caloocan Interchange sa bahagi ng C3 Road, Caloocan City.
Ayon kay Villar, bubuksan ang NLEX Harbor Link Segment 10 sa Pebrero 26, araw ng Martes at ito ay inaasahang makakatulong para mabawasan ang trapiko sa Metro Manila dahil magsisilbi itong alternatibong daan para sa mga motorista na manggagaling sa mga lugar sa central at north Luzon, Valenzuela at Quezon City papuntang Manila.
Dagdag pa ng kalihim na mababawasan ng 10 minuto ang travel time mula C3 papasok ng NLEX at sa oras na buksan ito ay nasa 30,000 sasakyan ang makikinabang kung saan karamihan dito ay mga truck.
Isusunod naman ng DPWH ang konstruksyon ng 2.6 km section mula C-3 road sa Caloocan City patungong Radial Road 10 o R10 sa Navotas City na inaasahang makukumpleto bago matapos ang taong ito.
Ani Villar, dahil sa mababawas sa oras ng byahe ng mga motorista ay makakatipid ang mga ito sa kanilang operating costs dahil hindi na sila maiipit sa trapik.
Batay kase sa pag-aaral ng Japan International Cooperation Agency Philippines, nasa 3.5 billion pesos ang nalulugi sa bansa bunsod ng matinding trapiko sa Metro Manila.
Umaasa naman ang DPWH na makatutulong ng malaki sa pag-unlad ng ekonomiya ang elevated expressway na ito dahil sa bilyun-bilyong pisong matitipid taun-taon bunsod ng mabilis na travel time.
(Eagle News Service Eden Santos)