Ni Mylene Mariano-Rivera
Eagle News Service
Eagle News – Inanunsyo ng Philippine Center for Gifted Education, Inc. (PCGE) na pwede nang magsumite ng nominasyon para sa nationwide search ng “Mga bagong Rizal: Pag-asa ng Bayan”.
Layon nito na makapili ng mga kabataang naniniwala at nagtataguyod sa mga prinsipyo ng ating Pambansang Bayani na si Dr. Jose Rizal, gaya ng pagmamahal sa Diyos at sa bansa, may integridad, tapang at pagiging mahusay sa kani-kanilang talento at interes.
Magsisilbi ring magandang halimbawa sa mga kabataang Pilipino ang sinumang mapipili bilang mga bagong Rizal na pag-asa ng bayan.
“We can nominate anyone and we will have the interview sometime in September and the final interview, early October. May leadership training kami para sa kanila at mayron din kaming awards night in November, on the last day of the two days conference to celebrate the National Week for the Gifted. Sana po mag-nominate kayo, sigurado akong marami kayong mga bata na kilala ninyong marunong at may puso para sa bansa. Sana po ay magnominate kayo. Pwede pong mag-nominate kahit sino”, pahayag ni Dr. Leticia Peñano-Ho.
Ang pagpili sa mga bagong Rizal ay isasagawa hanggang Oktubre ng kasalukuyang taon.
Ang search ay inilunsad noong 2011 at ang unang batch ng awardees ay isinagawa noong ika-150 tain ng kapanganakan ng ating pambansang bayani.
Ang mga nominee ay mula Grade 3 hanggang college level, kapwa sa public o private school. Maaari na ring makasama rito ang mga technical vocational enrollee at mga out of school youth (OSY) na nasa top five percent ng kanilang klase.
Para mapili bilang bagong Rizal, kailangan din silang may mga proyekto o aktibidad na nagpapakita ng pagmamalasakit sa iba at commitment sa paaralan at komunidad; may maayos na pag-uugali, kondukta; at may maayos na pakikitungo, leadership at pagtupad ng mga tungkulin at obligasyon.
Hindi naman pinapayagan ang self-nomination.