Meanne Corvera
Eagle News Service
Magkakaroon na ng North Luzon Express Terminal sa Ciudad de Victoria, Bocaue, Bulacan.
Ito ay matapos lumagda sa isang memorandum of agreement ang Department of Transportation at Maligaya Development Corporation upang maitayo ang nasabing terminal.
Ayon kay Transportation Secretary Arthur Tugade, ang terminal ang inaasahang solusyon sa matinding traffic partikular na sa kahabaan ng Edsa.
Ito ay sapagkat oras na matapos ang terminal, hindi na aniya papayagang pumasok ng Edsa ang mga provincial bus, batay na rin sa nilagdaang Executive Order noon pang 2014.
Batay kasi aniya sa pag-aaral, umaabot sa P3.5 billion ang nawawala sa ekonomiya kada araw dahil sa problema sa traffic.
Inaasahang mababawas ng mula 5,000 hanggang 6,000 ang mga provincial bus na dumadaan sa Edsa palabas at patungong hilagang bahagi ng bansa kada araw dahil sa terminal.
Samantala, ayon kay Atty Glicerio Pascual Santos IV ng MDC, ang naturang terminal ay itatayo sa 11 ektaryang lupa na pag-aari ng MDC.
Magiging tulad aniya ito ng mga bus terminal sa Europa at ibang bahagi ng Asya na automated at technology-based.