Sa kabila ng naganap na pag aaklas sa EDSA tatlong dekada na ang nakalilipas, marami pa rin sa mga Pilipino ang hindi ganap na malaya.
Ayon kay Senador Sonny Angara, hanggang ngayon maraming Pinoy pa rin ang mahirap at nagugutom dahil sa kawalan ng sapat na ayuda mula sa gobyerno.
Naniniwala si Angara na ang pagtugon at pagbibigay lang ng solusyon sa kahirapan sa pamamagitan ng pagpapalawak sa oportunidad na magbibigay ng kinabukasan sa bawat Pinoy ang tunay na simbolo ng kalayaan.
Sabi ni Senador Grace Poe, malaking hamon sa mga susunod nanlider ng bansa ang pagresolba sa problema ng matinding kahirapan, kakulangan ng edukasyon, lumalalang kriminalidad at ang pagrespeto sa karapatang pantao.
Umalma naman ang kampo ni Senador Bongbong Marcos dahil nakatuon aniya ang atensyon sa kanyang pamilya sa umanoy karahasan dulot ng martial law gayong nananatili ang problema ng bansa gaya ng pagkakawatak watak at matinding problema sa droga.
Kumbinsido naman si Senador Alan Peter Cayetano na ginagamit lang ang isyu ng martial law at people power ng mga pulitikong may ambisyon sa Mayo.
Mali aniya na ibintang sa isang grupo o pamilya ang nangyaring martial law o rebolusyon.
Katwiran ni Cayetano, pagkatapos ng people power one noong Feb 25, 1986, nagkaroon ng EDSA two at EDSA tres.
Katunayan lang aniya ito na hindi pa rin nagbago ang mga pinuno sa gobyerno dahil malala pa rin ang korapsyon sa gobyerno at mga kaso ng pang aabuso sa karapatang pantao.