NPC, inalmahan ang pagpili kay Panelo bilang incoming Presidential Spokesman

(Eagle News) — Hindi kumportable ang National Press Club(NPC) sa napipintong pagtatalaga ni incoming President Rodrigo Duterte kay Atty. Salvador Panelo bilang Presidential Spokesman nito.

Tulad ng mga pamilya ng mga nasawing mamamahayag sa November 23, 2009 Maguindanao Massacre.

Sinabi ni Paul Gutierrez ng NPC, na hindi sila kumportable kay Panelo na isa sa malalakas na pangalan na bubuo sa gabinete  ni incoming  President Rodrigo Duterte.

Sa panayam ng programang Liwanagin Natin, sinabi ni  Gutierrez na hindi katanggap-tanggap sa ilalim ng Duterte Presidency si Panelo dahil sa boluntaryo itong naging abugado ng pamilya Ampatuan.

Dagdag pa ni Gutierrez na mismong si Panelo noon ang nagsabi na biktima rin ng Maguindanao Massacre ang pamilya Ampatuan dahil sa nalagay sa malaking kahihiyan ang mga Ampatuan sa madla.

Ayon pa kay Gutierrez, isa pa sana sa ilalapit ng NPC kay Duterte ang kaso laban sa mga Ampatuan para mapabilis ang pagbibigay hustisya sa pamilya ng mga pinatay.

Pero malalagay raw sa balag ng alanganin ang administrasyon ni duterte kung magpapatuloy ang pagluklok kay Panelo bilang tagapagsalita ng pangulo.

Una rito, mismong ang Justice Now Movement(JNM), isang grupo ng mga kamag-anak ng biktima ng massacre na nag-aalala sila sa pagsali ni Panelo sa Duterte Administration dahil minsan na itong naging abugado ng mga Ampatuan sa kaso.

 

(report ni Onin Miranda, Eagle News Service)

Related Post

This website uses cookies.