By Earlo Bringas
Eagle News Service
(Eagle News) – Upang maibsan ang pagbigat ng trapiko sa mga pangunahing kalsada ngayong nasa ilalim na ng Alert Level 2 ang NCR, balak na ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na ibalik ang number coding scheme pero tuwing rush hour lamang.
Itoy dahil pa rin pagbabalik normal ng mga volume ng mga sasakyan na dumadaan sa mga kalsada sa metro manila lalo na sa kahabaan ng EDSA.
Sa plano ng MMDA, ipapatupad ang number coding scheme mula alas-5 ng hapon hanggang alas-7 ng gabi.
“Kung mangyayari ‘yun, tantsahin mo na lang. Kung ganun aabutin ka, ‘wag ka munang umalis. Palipasin mo ang 2 oras. Magsakripisyo na muna sa opisina mo,” ayon kay Abalos.
Ayon pa sa MMDA chairman, sa tala nila mahigit 399,000 na sasakyan na ang dumadaan sa major thoroughfare noong November 3 nang ibaba na sa Alert Level 2 ang sitwasyon sa Metro Manila.
“Ang huli naming talaan dati po ay pre-pandemic ay 405,000. Ngayon, itong nag-Alert Level 2, nasabik ang tao. Ang lumabas ay 399,000. Talagang dumami,” ayon kay Abalos.
Noong November 9, naitala naman sa 384,000 ang mga sasakyan sa kahabaan ng EDSA.
Sa kabila ng pagdami ng sasakyan, iginiit ni Abalos na mas mabilis pa rin ang pagbiyahe sa kasalukuyang panahon.
Ginawang halimbawa ni Abalos ang bilis ng takbo ng mga sasakyan sa southbound ng EDSA kung saan ang speed ngayon ay nasa 21 kilometers per hour kumpara sa dating 11 kph lamang.
Ito ang dahilan kaya ang MMDA ay ikinukonsidera na magpatupad ng panibagong number coding scheme pero sa panahon ng rush hours lamang.
Sinabi pa ni Abalos na ang public transportation ay mananatili pa rin sa 70 percent capacity.
(Eagle News Service)