PUERTO PRINCESA, Palawan (Eagle News) – Nakatakdang magpatupad ang Philippine Coast Guard sa buong lalawigan ng Palawan ng numbering system upang masiguro ang seguridad ng mga residente doon.
Ang Safety Security and Environmental Numbering System ay ipatutupad sa mga motorized banca at iba pang watercraft vessels sa ilalim na rin ng ibinabang kautusan ng Department of Transportation (DOTr), kung saan nakasaad na dapat maiparehistro ang lahat ng mga uri ng sasakyang pandagat na na nag-o-operate sa karagatan ng Pilipinas.
Dahil dito, iisyuhan ng mga body at plate number ang mga naturang vessel at isasailalim sila sa color coding para sa mas mabilis na identipikasyon.
Ayon kay Commander Joselito dela Cruz ng PCG, dapat suyurin at hikayatin ang lahat ng mga nagmamay-ari ng bangka at iba pang uri ng watercraft vessels na iparehistro ang mga ito nang hindi ito magamit sa ilegal na operasyon.
Layunin umano ng mga awtoridad sa pagpapatupad ng nasabing sistema na mapahusay ang marine environmental protection at maiwasang magamit ang mga vessel sa illegal fishing, terorismo at iba pa.
Anne Ramos – Eagle News Correspondent