(Eagle News) — Patuloy na hinihikayat ng National Youth Commission (NYC) ang mga kabataan na bumoto nang tama at makipagkaisa sa nalalapit na 2018 Sangguniang Kabataan at barangay elections.
Sa muling pag-halal ng SK ay panibagong aktibidad ang inihanda ng NYC para sa mga bagong itatalagang SK official sa 42,000 barangay sa buong bansa.
Kinakailangang sumailalim ang mga ito sa mandatory training na inilatag ng Department of the Interior and Local Government (DILG) at NYC.
Ito ang kauna-unahang pagkakataon na magsasagawa ng training program ang DILG at NYC para sa mga newly elected SK official sa Mayo.
Maaaring ika-disqualify ng mga tumakbo kung hindi sila makakatugon rito.
NYC: Nasa 39,000 ang naghain ng COCs
Samantala, ipinaalala ng ahensya na hanggang sa Biyernes na lamang ang pagpa-file ng Certificates of Candidacy (CoC) para sa mga kabataang nasa edad 18 hanggang 24 na nais tumakbo sa SK.
Hanggang alas-singko ng hapon lamang ang pagpa-file ng COC at hindi na umano ito i-e-extend ng Commission on Elections (Comelec).
Sa kasalukuyang datos ng NYC ay nasa 39,000 kabataan pa lamang ang nagpasa ng CoC.
Maliit na bilang itong maituturing ng ahensya dahil sa hindi pa ito sapat sa dami ng available position ng mga barangay.
Kung mapupunan ang mga ito ay inaasahang nasa 300,000 hanggang 400,000 kabataan ang maaaring ma-elect.
Malinis, patas at tapat na eleksyon ang inaasahan ngayon ng ahensya lalo na’t nakapokus ang mga ito sa pagdidisiplina ng mga kabataang kakandidato sa darating na Mayo 14. Cess Alvarez