(Eagle News) — Maaari nang mabisita ng kaniyang pamilya ang Overseas Filipino Worker (OFW) na pinainom ng bleach ng kaniyang employer sa Saudi Arabia.
Ayon kay Acts OFW Partylist Representative John Bertiz, inaasahang agad nang makukuha ang visa ng magulang at kapatid ni Agnes Mancilla na under observation pa rin sa isang ospital sa Saudi.
Ibinalita rin ng kongresista na nasa custody na ng mga awtoridad ang employer ni Mancilla sa tulong na rin ng mga abugadong nag-aasikaso sa kaniyang kaso.
Isa pang OFW, dinala sa shelter sa Kuwait
Sa kabila naman ng inaayos pa na Memorandum of Understanding at bilateral agreement sa pagitan ng pamahalaan ng Pilipinas at Kuwait para sa proteksyon ng mga OFW, patuloy pa rin ang mga kaso ng pagma-maltrato sa mga domestic worker ng kanilang mga employer.
Kinumpirma ni Bertiz na isa pang OFW ang dinala sa shelter sa Kuwait na binugbog ng kaniyang amo, bukod pa sa ilang kaso ng pagmamaltrato.
Samantala, nangangamba ang kongresista para sa nalalabi pang halos 3,000 undocumented OFWs sa Kuwait na hindi pa nakakabalik ng bansa dahil ilang araw na lang ay matatapos na ang ipinatupad na Amnesty Program ng Kuwaiti government.
Aniya, tiyak na magsisimula na ang crackdown sa mga undocumented OFW sa oras na magtapos sa Abril 22 ang nasabing programa.
Hindi na umano palalawigin pa ng Kuwaiti government ang Amnesty Program nito. Eden Santos