(Eagle News) — Tumatanggap na ang Social Security System (SSS) ng online retirement application mula sa mga Overseas Filipino Worker (OFW) at voluntary members na sisenta (60) anyos pataas sa pamamagitan ng kanilang website www.sss.gov.ph .
Sinabi ni SSS President and Chief Executive Officer Emmanuel Dooc na simula Mayo 10, 2018 ay maaari nang gamitin ng mga OFW at voluntary members ang online web facility para mas mapabilis at mapadali ang pagsusumite ng kanilang retirement application.
Maliban sa pagkakaroon ng online account, kinakailangang nakapaghulog ng 120 buwanang kontribusyon ang mga OFW at voluntary members bago ang buwan ng semestre ng kanilang pagsusumite ng retirement application at hindi pa nagpasa ng benefit claim sa SSS branch.
Dapat ang mga miyembro ay walang kinanselang SSS number at walang balanse sa stock investment loan program, privatization loan program, educational loan at vocational technology loan.
Ang mga miyembero na may balance pa sa salary, calamity or salary loan early renewal program (SLERP) ay maaari pa ring magpasa ng kanilang retirement application online.
Pero ang mga mag-aapply ng loan restructuring program o condonation ay hindi maaaring mag-sumite ng kanilang retirement application online.