By Lawrence Tesoro
Eagle News Service
Batangas City(Eagle News) — Kontrolado na ang langis na tumagas sa distribution pipeline sa oil depot ng Chevron Philippines sa San Pascual, Batangas.
Ayon sa Philippine Coast Guard (PCG), wala nang dapat pang ipangamba ang mga residente ng San Pascual, Batangas sa naganap na pagtagas ng langis dahil 100 litro lamang ng langis ang tumagas at nalinis na umano ng mga PCG personnel ang oil spill.
Sa ginawang paglilinis, nakakolekta rin ng 60 liters ng bunker fuel at limang drum pa ng tubig na may halong langis.
Ayon kay PCG Spokesman Commander Armand Balilo, walang naging grabeng pinsala sa karagatan ang oil leak dahil agad umaksyon ang pamunuan ng naturang korporasyon at ang Coast Guard District Southern Tagalog Marine Environmental Protection.
Nalaman na inagapan ng PCG, ang paglalagay ng oil spill boom at mga absorbent booms at pads kaya ‘di na kumalat ang langis sa ibang bahagi ng dagat.
Maglalabas rin umano ng post evaluation report ang PCG hinggil sa oil spill.