Ombudsman, malayang mag-imbestiga sa umano’y ill-gotten wealth ni Pres. Duterte – Malacañang

(Eagle News) — Walang plano ang Malacañang na hadlangan ang Office of the Ombudsman sa isasagawang imbestigasyon sa mga umano’y tagong yaman ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Sinabi ni Presidential Spokesman Ernesto Abella na malinaw ang pahayag ni Pangulong Duterte na malaya ang sinuman na kalkalin ang kanyang kayamanan.

Ayon kay Abella, nagtitiwala ang Malacañang sa pagiging impartial ng Office of the Ombudsman.

Nag-ugat ang isyu sa mga umano’y tagong yaman ng Pangulo batay sa mga alegasyon ni Senador Antonio Trillanes IV.

Ginawa ni Trillanes ang mga alegasyon noong tumatakbo pa lamang sa pagka-Pangulo ang noo’y Davao Mayor na si Duterte.

Nang manalo si Duterte ay sinabi ni Trillanes na hindi na niya ipupursue ang kaniyang mga alegasyon para na rin sa ikakapayapa ng bansa.

Ngunit kamakailan ay sinabi ni Deputy Ombudsman Arthur Carandang, isang kritiko ni Duterte, na gumugulong na ang imbestigasyon patungkol dito.

Sagot ni Sara Duterte

Para kay Davao City Mayor Sara Duterte, welcome ang imbestigasyon ng Ombudsman sa yaman ng kanilang pamilya.

Ayon sa mayor, ito ay sapagkat sa wakas ay masasagot na nila ang lahat ng akusasyon sa proper venue.

 

Related Post

This website uses cookies.