One entry, one exit policy hindi na ipatutupad sa Caticlan Jetty Port

BORACAY ISLAND, Aklan (Eagle News) – Hindi na ipatutupad ang one entry, one exit policy ng probinsiya sa isla ng Boracay. Ito ay ayon sa ipinahayag ni Caticlan Jetty Port Administrator Niven Maquirang sa pagdinig ng Sangguniang Panlalawigan kaugnay sa isyu ng seguridad sa nasabing isla.

Sinabi pa ni Maquirang na maliban sa Caticlan Jetty Port bilang entry point patawid ng isla, anim na welcome center din ng iba’t-ibang resort ang nag-o-operate sa mainland.

Aminado ang ilang resort representative na wala silang ginagawang pagbusisi sa mga bagahe ng mga turistang dumaraan sa kanilang welcome center.

Gayunman nilinaw ng administrator na lahat ng sasakyan ng mga resort na ito ay dumaraan pa rin sa Cagban Port. Maliban lamang sa Shangrila sa Yapak na mayroong sariling port.

Problema rin umano tuwing habagat kung saan temporaryong ginagamit ang Tabon Port sa mainland at Tambisaan Port sa Boracay dahil hindi na ipapatupad ang seguridad dito.

Hindi rin malinaw ang regulasyon sa mga cargo na labas-pasok sa isla ng Boracay dahil hindi umano naiinspekyon ang mga karga nito.

Una nang ikinabahala ni SP Member Miguel Miraflores na dahil sa kakulangan ng seguridad na ito ay posibleng mapasok ng masasamang elemento ang isla.

Jane Malicse – EBC Correspondent, Aklan