BALIK operasyon na ang Kalibo International Airport matapos ma-ialis sa runway nito ang sumadsad na eroplano ng SEAIR kahapon. Nahila na rin ang rumespondeng firetruck na nahulog sa kanal.
Ayon kay Engr. Martin Terre, manager ng Civil Aviation Authority of the Philippines sa Aklan, pasado alas 9 kagabi ng muling buksan ang airport.
Magsasagawa naman ng imbestigasyon ang CAAP upang malaman ang tunay na sanhi ng pagsadsad ng eroplano. Dahil sa pangyayari, maraming pasahero ang naistranded sa paliparan.
Nasa humigit kumulang 150 Korean national ang sakay ng sumadsad na eroplano ng SEAIR galing sa Incheon, South Korea at patungo sana sa isla ng Boracay. Papalapag na sana ang eroplano ng pumutok ang gulong nito na naging dahilan ng pagsadsad sa runway. Ang rumesponde namang fire truck ng BFP ay nahulog ang gulong sa kanal.
(Eagle News Aklan Correspondent, Reshel Tumaca)