(Eagle News) —Sinimulan na ngayong araw, Mayo 21, ang Oplan Balik Eskwela (OBE) ng Department of Education (DepEd) upang masiguro ang maayos na pagbubukas ng klase sa lahat ng pampublikong paaralan sa bansa.
Ayon kay DepEd Secretary Leonor Briones, ang aktibidad na ito ay tatagal hanggang Hunyo 8, 2018.
Ang OBE ay taunang inisyatiba ng DepEd upang hikayatin ang mga ahensya, organisasyon, at iba pang stakeholders sa paghahanda para sa nalalapit na pagbubukas ng klase sa Hunyo.
Kabilang na rito ang pagkukumpuni, paglilinis, at paglikom ng mga kagamitan para sa mga silid-aralan sa pamamagitan ng bayanihan ng mga guro, magulang at mag-aaral.
“Ang OBE ay bahagi ng pagsisikap ng kagawaran upang matiyak na ang mga mag-aaral ay maayos na nakatala sa paaralang kanilang papasukan at upang magawa nilang makadalo sa unang araw ng pagbubukas ng klase,” pahayag ni Briones.
Nilalayon rin ng OBE na “tugunan ang mga problema, tanong at iba pang mga alalahanin na karaniwang nararanasan ng publiko sa unang araw ng pasukan.”
Magkakaroon naman ng OBE Information & Action Center ang pinakasentrong tanggapan ng ahensya sa Pasig City upang magsilbing information at complaints zone.
Inatasan rin ni Sec. Briones ang lahat ng regional at division offices sa bansa na maglagay rin ng command center upang sagutin ang tawag at iba pang alalahanin ng mga magulang kaugnay ng pagbabalik eskwela.
Samantala, ilulunsad naman ng DepEd sa pangunguna ni Sec. Briones ang pagbubukas ng Oplan Balik Eskwela sa Marawi City sa darating na Miyerkules, Mayo 23.
Ito ay gaganapin sa Amai Pakpak Central Elementary School sa Marawi City.
Nakatakdang magbukas ang lahat ng klase para sa school year 2018-2019 sa mga pampublikong paaralan sa bansa sa darating na Hunyo 4, 2018.
(Jodi Bustos, Eagle News Service)