Oplan Double Barrel at Oplan Tokhang, muling bubuhayin ng PNP sa pagsabak sa war on drugs

MANILA, Philippines (Eagle News) — Halos dalawang buwan lang mula nang pahintuin ng Pangulo, muli na namang sasabak sa war on drugs ang Philippine National Police (PNP) sa ikatlong pagkakataon.

Ito’y matapos lagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang memorandum na nag-uutos sa PNP na suportahan ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa kampanya kontra droga.

Sa muling pagsabak sa war on drugs, muling bubuhayin ng PNP ang kanilang Oplan Double Barrel at Oplan Tokhang na naging susi daw sa tagumpay ng kanilang kampanya.

Pero giit ng PNP, wala daw dapat na ipangamba ang publiko.

“Bakit may takot? Through our friends in the media, kung maexplained sa tao at hindi ma demonized yung tokhang.  Dapat ibigay natin ano ba yung tokhang? Are they to harm the public? No! Hindi yan yung term na ginagamit, hindi tama,” pahayag ni PNP Spokesperson Chief Supt. Dionard Carlos.

Gaya ng paalala ni PNP chief Ronald “Bato” Dela Rosa, kailangan daw nilang maghinay-hinay sa ngayon para hindi na maulit ang mga nagawa nilang pagkakamali noon.

Unang-una, sisikapin daw ng PNP na magkaroon na ng mga body camera ang mga pulis na sasabak sa operasyon kontra droga

Mas pagtutuunan na rin daw nila ng pansin ang paglilinis sa kanilang hanay mula sa mga scalawag na sumisira sa organisasyon.

Sa ngayon hindi pa masabi ng PNP kung kailan nila sisimulan ang kanilang mga operasyon.

Hinihintay pa daw kasi nila ang Command Memorandum Circular na ipalalabas ng liderato ng PNP kung saan nakadetalye ang muli nilang paglulunsad ng giyera kontra droga.

(Eagle News Service Mar Gabriel)

Related Post

This website uses cookies.