IPIL, Zamboanga Sibugay (Eagle News) – Nagsagawa ng Oplan-Galugad ang Ipil District Jail na pinamumunuan ni Jail Supt Allan Vargas sa bayan ng Ipil, Zamboanga Sibugay.
Pinagsamang puwersa ng provincial police, K9 ng PPO at Provincial Public Safety Company ang search operation na isinagawa sa labing-isang (11) selda nito.
Ayon kay Vargas, mga minor lamang na ipinagbabawal na gamot o kontrabando gaya ng kutsara, tinidor, pako, shaver, at panlinis ng kuko ang nakuha mula sa mga selda ng mga preso.
Wala aniyang nakuhang droga na siyang pangunahing target ng Oplan-Galugad. Isa aniyang 100% drug free facility ang Ipil District Jail. Ayon pa kay Vargas nagnegatibo rin ito sa isinagawang Oplan-Galugad noong nakaraang taon. Dagdag pa ni Vargas ay nag negatibo rin sa droga ang mga preso at personnel nito sa isinagawang drug test noong nakaraang taon.
Bagama’t walang nakuhang droga ay hindi itinatanggi ni Vargas na may posibilidad na maipuslit ito. Ito aniya ay maaaring mangyari sa pamamagitan ng human intervention. Ngunit istrikto aniyang pinaiiral ang maayos na pag-iinspeksyon sa mga taong pumapasok sa compound ng Ipil District jail.
Dagdag pa ni Vargas ay patas ang trato nila sa lahat ng preso maging sa tinatawag na high profile inmate.
Jen Alicante – EBC Correspondent, Zamboanga Sibugay