“Oplan: Iwas Paputok, Fireworks Display ang Patok”, inilunsad ng DOH

(Eagle News) — Maagang inilunsad ng Department of Health ang kanilang kampanya na “Oplan: Iwas Paputok, Fireworks Display ang Patok”.

Layon nito na paalalahanan ang publiko lalo na ang mga kabataan na kadalasan ay nagiging biktima ng mga paputok tuwing sasalubungin ang bagong taon.

Ang pagbabawal sa paggamit ng firecrackers ay batay sa ipinalabas na Executive Order Number 28 o “providing for the regulation and control of the use of firecrackers and other pyrotechnic devices” na nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Isinagawa ang launching sa General Roxas Elementary School sa Quezon City kung saan ay dumalo ang maraming bilang ng mga estudyante.

Katuwang ng DOH sa aktibidad ang Bureau of Fire Protection, Department of Education, Philippine National Police at iba pang stakeholders.

Ayon kay DOH Assistant Secretary Charade Mercado-Grande, malaking tulong ang kampanya kontra paputok upang maiwasan ang fireworks-related injuries o fwri tuwing bagong taon.

Batay sa tala ng DOH, bagaman bumaba ng 27 percent ang bilang ng mga biktima ng paputok ay marami pa rin ang nasusugatan taun-taon.

Paggamit ng torotot at iba pang bagay na magbibigay ng tunog, inirekomenda ng DOH

At upang maiwasan ang paggamit ng paputok, makabubuti umanong gamitin ng publiko ang mga alternatibong paraan sa pagsalubong sa bagong taon tulad ng torotot, mga gamit sa bahay na magbibigay ng iba’t ibang tunog at iba pa.

Ilan sa mga estudyante ng General Roxas Elementary School ang nagsabing hindi sila gagamit ng paputok sa pagsalubong sa bagong taon.

Kampanya ng DOH suportado ng ilang grupo

Suportado naman ng EcoWaste Coalition ang kampanya ng DOH dahil tiyak na magiging mapayapa at ligtas ang gagawing pagsalubong sa 2019 kung hindi gagamit ng mga ipinagbabawal na paputok ang publiko.

Hindi lang daw ang mga tao ang ligtas kundi maging an gating kapaligiran mula sa usok na nagsisilbing polusyon.

Eagle News Service Eden Santos