Oplan Linis Piitan: Mahigit 4,400 na kontrabando, sinira

(Eagle News) — Sinira ng mga tauhan ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) ang higit 4,400 piraso ng mga kontrabando.

Ito ay bahagi ng “Oplan Linis Piitan,” ang mas pinaigting na kampanya ng ahensya sa pagbabawal ng pagpupuslit ng mga gamit sa mga kulungan sa buong bansa.

Paliwanag ni Acting Chief Deogracias Tapayan na kung magpatuloy pa ang mga ganitong gawain ay posible nilang manipulahin ang kanilang kinahaharap na kaso.

Karamihan sa mga nakumpiska na kontrabando ay mga cellphone, tablet, kaha-kahang sigarilyo, lighter, patalim, at iligal na droga na pawang nakuha ng mga otoridad sa “Oplan Greyhound” operation sa mga piitan.

Sinabi ni Senior Inspector Xavier Solda, BJMP spokesperson, ang mga nakuhang kontrabando ay nakakatulong sa kanila na makita ang posibleng koneksyon ng mga nakakulong sa kalakalan ng iligal na droga.

Nagbigay naman ng babala si Solda sa mga opisyal na kanilang matutuklasang kasabwat sa pagpasok ng ipinagbabawal na gamit sa loob ng kulungan.

Ang nasabing pagsira sa mga ito ay isinabay sa National Correctional Consciousness Week.

https://youtu.be/Dr3XmVCwL5g