(Eagle News) — Sarado na sa mga motorista ang Otis Bridge sa Paco, Manila matapos magkaroon ng bitak kaninang madaling araw, Hunyo 26.
Ayon kay DPWH Engr. Mike Makud, 50 taon na ang nasabing tulay kaya hindi kataka-takang magkaroon na ito ng mga bitak o ang pagbigay ng girder o biga.
Mayroon naman na aniyang pondo na 37 milyong piso noon pang 2016, ngunit hindi pa naipatutupad ang pagsasaayos nito dahil sa traffic congestion na mararanasan ng mga motorista sa President Quirino Avenue. Dahil dito ay pansamantalang ipinagpaliban ang pagkukumpuni ng naturang tulay.
Paliwanag ni Engr. Makud tatagal hanggang sa 18 buwan ang pagsasaayos ng tulay pero kung hihingi sila ng clearance mula sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) para sa total closure ng pagsasaayos sa tulay ay mapapadali nila ang paggawa na tatagal lamang ng siyam na buwan.
Dagdag pa ni Engr. Makud, bumigay ang tulay dahil na rin sa kalumaan kaya hindi nila pinapayagang dumaan ang mga malalaking sasakyan sa naturang tulay.
Payo nito sa mga motorista pwede silang humanap na alternatibong daan at maaari ding dumaan sa España, Plaza Dilaw, Osmeña Highway o kaya sa San Marcelino sa Ermita Manila patungo sa kanilang mga destinasyon. (Jerold Tagbo)